ATING GUNITAIN ANG IKA-36 NA ANIBERSARYO NG MAKASAYSAYANG EDSA PEOPLE POWER REVOLUTION
Ngayong ika-25 ng Pebrero ay ang ika-36 na anibersaryo ng paggunita ng katapangan at pagkakaisa na ipinamalas ng ating kapwa Pilipino sa Edsa People Power Revolution na naging sanhi ng panunumbalik ng demokrasya at Kalayaan mula sa diktaduryang pamumuno. Ang paggunita na ito ay ayon sa tema,’’ EDSA 2022; Pagtutulungan tungo sa Sama-Samang Pagbangon mula sa Pandemya’’.
Ayon sa ibinabang Memorandum Circular ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang paggunita ay pangungunahan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), hinihikayat nito na maglagay ng Watawat ng Pilipinas ang lahat ng sangay ng pamahalaan at mga gusaling pangnegosyo.
Sa buwan ng Pebrero ika-22 hanggang ika-25, 1986, libu-libong magigiting na Pilipino ang nagtipon sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) sa Metro Manila upang isagawa ang protesta laban sa diktador na dating pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand E. Marcos Sr. Ang pagsupil nito sa Karapatan ng Pamamahayag, mga istasyon ng radio at telebisyon na nalilimita ang impormasyon na dapat ay malayang naisasapubliko at ang talamak na militarisasyon na umaabuso sa karapatang pantao. Ito ang nagpaliyab sa paghihimagsik ng kilusan para sa Kalayaan ng ating bansa sa diktaturyang pamumuno ni Marcos.
Ano nga ba ang mahahalagang aral na sinasalamin ng People Power Revolution sa ating kasalukuyang laban sa pandemya?
PAGKAKAISA SA PAGSULONG NG KALAYAAN
Sa kasalukuyan, tayo ay nahaharap sa hagupit na dala ng Corona Virus Disease, 2019 (COVID-19). Nagsimula ito noong buwan ng Marso, 2020 nang mag lockdown ang Manila at sumunod ang iba pang mga lugar sa ating bansa upang mapigilan ang pag kalat nito. Ito ay nagdulot ng pagkakabuklod ng bawat probinsya sa pagsasagawa ng mga batas alinsunod sa Inter-Agency Task Force (IATF).
Dahil din dito, naging limitado ang ating Kalayaan na makalabas ng ating tahanan, maging sa ibat ibang lugar ng Pilipinas. Maraming gusaling pangnegosyo ang pansamantalang nagsara, ang edukasyon ay naapektuhan, maging ang kabuhayan ng bawat Pilipino ay hindi nakaligtas sa pinsala na hatid ng pandemya.
Pahalagahan natin ang sakripisyo ng mga Pilipinong lumaban para sa ating Kalayaan. Ang malayang pagpapahayag ng ating saloobin at opinyon ay ang katas ng mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa kasalukuyan. Ang mga bagong henerasyon ay naranasan ang paghihigpit sa mga dating nakasanayan nang gawi at kilos subalit nakiisa sila sa mga alituntunin alinsunod sa IATF at local na pamahalaan.
Ayon sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas sa Artikulo III, Seksyon 1,’’ Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sino mang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas’’ na sumakop sa kabuuan ng karapatang pantao.
Tayo ay nasa modernong panahon, kung saan tayo ay nakakapagbahagi ng ating sariling opinyon at naabot ng mga impormasyon sa pamamagitan ng internet at mga teknolohiyang pang komunikasyon. Sa iyong palagay, kung hindi naganap ang makasaysayang rebolusyon, makakamtan ba natin ang kalayaan na ating tinatamasa ngayon?
Kung ang People Power Revolution ay ang pagsasama-sama ng mga Pilipino upang maipanalo ang laban, ang pandemya ay pinapanatili tayo sa isang metrong pagitan sa isa't-isa alinsunod sa ipinatutupad ng pamahalaan subalit nagkakaisa sa salita at gawa upang bumangon at lumaban sa kinakaharap natin sa kasalukuyan.
Unti-unting nabuksan ang pinto sa pamamagitan ng ating pagtutulungan, tayo ay magwawagi sa laban kung sama-sama para sa ating Kalayaan.